Alexa

My best friend's present

My best friend's present

Sa dalampasigan ng munting barangay ng Saraet, bayan ng Himamaylan, malamig ang simoy ng hangin at ang alon na humahampas sa batuhan ay tila naghuhudyat ng Paskong darating. Karamihan sa mga taong naninirahan doon ay mahirap lamang ngunit masayahin at matulungin. Pangingisda ang hanapbuhay ng marami at ang iba ay umaasa sa maliit na talabahan. Walang karangyaan sa buhay subalit mayaman sa pakikipag-kapwa at may takot sa Diyos.
Sa barangay na iyon ay may magkaibigan na sina Andrea at Iya. Dalawang musmos na pinagkaitan ng karangyaan sa buhay ngunit puno ng mga pangarap. Si Andrea ay mag-isang namumuhay sa isang dampa sa tabi ng dalampasigan. Maagang naiwan ng mga magulang sa edad na labindalawang taong gulang at dahil nag-iisang anak, wala siyang kasama sa buhay maliban sa isang punit-punit at lumang manika na kanyang napulot sa basurahan habang siya ay naglalako ng isda. Paglalako ang kinagisnan na hanapbuhay ng kanyang magulang at ito rin ang ipinamana sa kanya. Walang mataas na pinag-aralan dahil Grade 3 lang ang kanyang natapos subalit hindi niya ito pinagsisihan. Tama na sa kanya ang makakain at makasama sa araw-araw ang kanyang manika at kaibigang si Iya.
Si Iya naman, mga sampung taong gulang at kasama ang kanyang may sakit na ina. Dampa rin ang kanilang tirahan na yari sa kawayan at pawid. Walang masyadong gamit maliban sa isang mesa, isang silya at lumang kama kung saan nakaratay ang kanyang ina. Kahit na may inang kasama, si Iya pa rin ang naghahanap-buhay dahil hindi na makayanan ng kanyang inang may sakit. Sa kanyang musmos na kaisipan, tinanggap niya ang responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat ng buong puso at siya'y maligaya dahil meron siyang kaibigan na tulad ni Andrea na kanyang pinagsasabihan ng mga problema at madalas na kakuwentuhan.
Madalas na magkasama ang magkaibigan sa araw-araw sa pagtitinda at palagi silang nakaupo sa tipak na bato sa may dalampasigan habang tumitingin sa alon na humahampas sa batuhan at sabay na nangangarap. Mga musmos ngunit buo ang kalooban.
Isang magandang umaga, mainit ang sikat ng araw, habang naglalako ng mga isda ang magkaibigan malapit sa kanilang barangay, may napansin silang isang malaking bahay na tila isang bahay-bakasyunan. Ito ay yari sa kawayan at sawali. Malinis at maganda ang pagkagawa nito. Sa balkonahe nito ay may nakatayong anghel na yari sa kahoy sa tabi ng malaking Christmas tree na parang nagbabantay. May limang talampakan ang taas ng anghel at makikita mo agad pag dumaan ka sa tapat ng bahay na iyon.
Saglit na napahinto at humahangang napatingin ang magkaibigan sa anghel na tila ngumingiti sa kanila. Isang kalabit sa kamay ni Iya ang ginawa ni Andrea para ipaalam dito na kailangan na nilang umalis. Isang buntunghininga ang pinakawalan ni Iya bago lumakad.
Habang papalayo sa bahay-bakasyunan na iyon, napansin ni Andrea na tahimik lang si Iya habang naglalakad palayo sa bahay. Nagtaka siya kung bakit ganun ang asal ng kaibigan kaya tinanong niya ito. "Anong nangyari sa iyo Iya? Bakit bigla kang natahimik?" Sumagot si Iya na para bang naalimpungatan. "Wala lang. May bigla lang akong naisip."
"Ang nanay mo ba? Okey naman siguro siya di ba?" ang madaling pahabol ni Andrea sa kaibigan. "Hindi iyon. Iniisip ko lang iyong nakita nating nakatayong anghel. Gusto ko sanang magkaroon ng ganun para sa nanay ko para kahit wala kaming pera o handa sa Pasko, maramdaman naman niya ang diwa ng Pasko, at higit sa lahat para bang may anghel na gumagabay sa amin." Nakaramdam ng awa si Andrea para sa kaibigan at upang bigyang ito ng kasiyahan, ngumiti siya at nagsabing, "Hayaan mo. Pag nakabenta ako ng malaki, bibigyan kita ng angel ngunit hindi ganun kalaki. Maliit lang."
Pagkalipas ng ilang araw, habang si Iya ay naghahanda ng kanyang ilalakong isda, may narinig siyang ingay mula sa di kalayuan sa kanilang bahay. Mabilis siyang lumabas ng bahay at nakita niya na pinagkakaguluhan at pinag-uusapan ng mga tao doon ang pagdating ng isang sasakyan ng EEC Elite Express lulan ang isang malaking kahon at pumasok sa loob ng bahay-bakasyunan kung saan nila nakita ang malaking anghel. Tumakbo siya upang tingnan kung ano ang laman ng kahon subalit isinara na ng may-ari ang gate. Sa di kalayuan ay nakita ni Iya si Andrea na paparating habang kalong ang bilao na may lamang isda.
Habang sila ay lumalakad, hindi napigilan ni Iya na yayain si Andrea doon sa harap ng bahay-bakasyunan upang magbakasakaling matingnan muli ang anghel. Tamang-tama ang kanilang pagdaan dahil bumukas ang gate ng bahay-bakasyunan at bumulaga sa kanilang paningin ang tatlong malalaking anghel sa may pintuan ng bahay. Mahigit kumulang na mga limang talampakan din ang taas.
Isang gabi, habang natutulog ng mahimbing si Andrea, nagulat siya sa mga sigaw ng tao mula sa labas ng bahay. Lumabas siya at nakita niyang tumatakbo ang mga taong may dalang balde ng tubig patungo sa bahay nina Iya. Tumakbo siya nang matulin upang alamin kung ano ang nangyayari subalit pinigilan siya ng maraming tao. Sa kanyang pagkagulat, nalaman niyang bahay pala iyon ng kaibigan niyang si Iya. Agad niyang naalala ang nakaratay na ina ng kaibigan. Binalewala niya ang apoy at rumaragasa siyang pumasok sa loob. Tinulungan niya si Aling Elsie na lumabas sa nasusunog na bahay. Agad naman ding tumulong ang mga kapitbahay. Bumalik siya sa loob upang hanapin ang kaibigan. Nandoon na siya sa loob nang biglang bumagsak ang isang hibla ng kahoy sa kanyang paanan. Hindi na siya makatakbo. Walang nagawa ang mga tao upang iligtas si Andrea sa natutupok na bahay. Nalaman ito ni Iya at siya ay naghihinagpis sa sinapit ng matalik na kaibigan. Ang mga taong nakasaksi ay wala na ring magawa kung hindi panoorin na lamang ang unti-unting pagbagsak ng bubong. Ang mga taong nakasaksi rin sa trahedya ay naawa kay Andrea. Naipalibing ng maayos ang bangkay ni Andrea samantalang si Iya ay halos mamatay sa lungkot sa pagkawala ng kaibigan.
Isang linggo ang lumipas at sumapit ang bisperas ng Pasko. Nag-iisang inihanda ni Iya ang kanyang bilao upang magtinda ng isda para may pagsaluhan silang mag-ina sa noche buena. Umuwi siya ng maaga upang ipaghanda ng pagkain ang ina. Pagkatapos ay tumuloy siya sa dati nilang tagpuan ng namayapang kaibigan. Nag-iisa siyang tumingin sa dalampasigan habang nakaupo sa isang tipak na bato. Naramdaman na lamang niyang may kumakalabit sa kanya. Nang tingnan niya ito, nakita niya ang isang batang nakasuot ng maputing kasuotan. Inabot nito sa kanya ang isang kahon. Agad niyang tinanggap ang kahon at tiningnan kung kanino galing. Naramdaman niya na parang binabalot siya ng malamig na hangin. Nang harapin niya ang bata para pasalamatan, bigla itong naglaho. Hinanap niya ito upang pasalamatan ngunit hindi na niya ito nakita.
Dali-dali siyang umuwi ng bahay upang tingnan ang laman ng kahon na ibinigay sa kanya. Nang buksan niya ang kahon, nagulat siya sa laman nito. Isang palamuti na anghel. May nakasabit ditong papel. Binasa niya ang nakasulat, "Munting regalo galing sa isang kaibigang nagmamahal. Maligayang Pasko."
Tumulo ang kanyang luha habang yakap-yakap niya ang munting anghel at nagsabi, "Salamat kaibigan. Natupad na ang aking munting pangarap na magkaroon ng anghel sa Pasko at ikaw ang tumupad nito. Kusa mong ibinigay ang iyong buhay para sa munting regalong ito. Ikaw pala ang tunay na anghel sa buhay ko."


Updated : 2021-04-12 11:06 GMT+08:00